BORACAY ISLAND – Ikinatuwa ng mga residente ng Brgy. Balabag ang natanggap nilang relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development at lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ngunit ang tulong na sana ay makapagpapabusog ng tiyan, ay itinapon lang sa basurahan.
Ito’y nang matanggap ng ilang mga residente ang kinakalawang na mga delata, na bumubula ang mga laman. Habang ang ibinigay na bigas ay may kasamang mga insekto.
Magluluto sana ng pananghalian si Ester Bendola, residente ng Balabag, ngunit nang binuksan niya ang delatang sardinas at meat loaf ay nakita niyang ito ay nangingitim na at bumubula.
“Sana nasa mabuting kondisyon naman ang ibinigay nilang goods, kawawa naman kami. Paano kung ‘yung mga bata ang nakabukas?” aniya.
Dagdag ni Bendola, 2020 ang expiration date ng mga delata kaya nagtaka siya kung bakit panis na ang laman.
Ayon kay Leo Guin-tilla, administration chief ng DSWD sa Western Visayas, posibleng nagka-leakage at nakontamina ang canned goods at bigas habang dinadala patungong Boracay.
Aminado si Guintilla na galing sa kanilang warehouse sa Iloilo city ang goods at hindi rin nila itinangging may kakulangan sila sa pag-monitor ng hauling ng relief goods.
Nakatanggap na umano ang kanilang tanggapan ng walong reklamo mula sa mga residente at agad nilang pinalitan ng bagong canned goods at bigas ang mga kontaminadong ayuda.
Dahil sa nangyari, mas paiigtingin ng ahensiya ang quality control ng relief goods bago ibigay sa nga benipesaryo, ani Guintilla.
HATAW News Team