NAKAHANDA ang Palasyo na paimbestigahan ang isyu nang pagkakasangkot ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) chief Joel Egco sa iringan ng dalawang media organizations na nag-ugat sa P100 milyong federalism campaign fund.
Sa press briefing sa Cotabato kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na makatutulong sa pagsisisyasat kung may maghahain ng pormal na reklamo laban kay Egco.
“Well, basta naman po may reklamo, e nagkakaroon din ng imbestigasyon ‘no. So, it would help kung mayroon pong formal complaint, dahil iyan po hindi pupuwedeng balewalain kung mayroong formal complaint. Basta po mayroong government funds involved, mayroon naman pong posibleng imbestigasyon na mangyari,” ayon kay Roque.
Hindi binanggit ni Roque kung alam na niya ang patong-patong na reklamong isinampa sa Office of the Ombudsman laban kay Egco noong nakalipas na linggo.
Sa 30-pahinang complaint affidavit na isinumite ni Joel Amongo, presidente ng DILG-Napolcom Press Club, kabilang sa reklamo na isinampa kay Egco ay online libel, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at paglabag sa mandato ng kanyang opisina.
Naging batayan ng reklamo ni Amongo ang mga panlalait sa kanya ni Egco sa social media, pagtawag sa kanilang grupo ng ‘hao-siao’ o pekeng media practitioner, pagkuwestiyon sa pagkalehitimo ng kanilang press club at pagpapaalis sa kanila sa press office.
Aniya, imbes proteksiyonan sila ng opisyal na bahagi ng mandato niya ay mismong nangunguna pa sa panggigipit sa kanila.
Napaulat na nag-ugat ang iringan sa P100-milyong pondo para sa public information campaign ng DILG sa pagsusulong ng federalismo ng administrasyong Duterte.
ni ROSE NOVENARIO