PINAYOHAN ng Palasyo ang mga “tambay” na buweltahan ang mga pulis kung nilabag ang kanilang karapatan nang arestohin sila.
“Well, kasi po meron tayong established na mga mekanismo para protektahan ang karapatan ng kalayaan. Unang-una po, e kapag kayo ay… kapag ang mamamayan ay naaresto at hindi naman kinasuhan, pupuwedeng makasuhan ng kriminal for illegal detention iyong ating (ka)pulis(an),” ani Roque hinggil sa “mass arrest” sa mga tambay sa nakalipas na mga araw.
Inihalimbawa ni Roque sa mga umiiral na remedyo na puwedeng gamitin laban sa mga pulis ang “habeas corpus” at “writ of amparo.”
Ang writ of habeas corpus ay isang kautusan para iharap ang isang tao na nakapiit at ipinahihintulot sa isang bilanggo na kuwestiyonin ang legalidad nang pagdetine sa kanya.
Ang writ of amparo ay maaaring igiit ng isang tao kung ang kanyang karapatang mabuhay, kalayaan at seguridad ay nilabag o nanganganib dahil sa isang “unlawful act.”
Giit ni Roque, kapag nagkaroon ng trauma ang isang inaresto sa hinalang tambay ay puwedeng sampahan ng kasong sibil at humingi ng danyos laban sa pulis.
Ang pangunahing layunin ng direktiba ng Pangulo laban sa mga tambay ay upang bigyan proteksiyon ang publiko, ayon kay Roque.
ni ROSE NOVENARIO