TINAWAGAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bishop Sofronio Bancud noong 14 Hunyo upang makiramay at tiyakin na mabibigyan ng hustisya ang pagpatay kay Fr. Richmond Nilo.
“Tinawagan namin si Bishop Sofronio Bancud at personal silang nagkausap ng Pangulo. Ipinarating ng Pangulo ang pakikiramay sa yumaong pari at ini-assure na mabibigyan ng hustisya,” sabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa press conference sa General Natividad, Nueva Ecija kahapon.
Ayon kay Go, maging si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Romulo Valles ay kinausap din ng Pangulo upang bigyan ng update sa kaso ni Fr. Nilo at inihayag ang kanyang pagkondena sa pagpaslang sa mga pari sa bansa.
Sinabi ni Go, inatasan niya si National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran upang tutukan ang pag-sisiyasat sa pagpatay kay Fr. Richmond.
Napaulat na ang dinakip ng mga pulis na suspek na bumaril kay Fr. Richmond na si Adel Roll Milan ay isang “fall guy.”
Nang usisain sa mga pagbatikos ng Pangulo sa Simbahang Katolika at mga pari, ipinaliwanag ni Go na wala nang narinig sa Pangulo sa nakalipas na mga araw.
Matatandaan noong Huwebes, 14 Hunyo ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bukas si Pangulong Duterte sa pakikipag-dialogo sa Simbahang Katolika sa kabila nang maaanghang na pagbatikos niya sa ilang mga pari.
(ROSE NOVENARIO)