HINDI dapat isisi sa administrasyong Duterte ang kapalpakan ni Senator Antonio Trillanes IV at dating Pangulong Noynoy Aquino sa isyu ng Scarborough Shoal.
Ito ang idiniin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano bilang sagot sa mga ipinupukol ng kampo ni Trillanes na kahinaan ng aksiyon ng gobyerno sa problema ng mga mangingisda sa Scarborough o Panatag Shoal.
“Tayo ang may complete control ng Scarborough Shoal at ang Chinese at Vietnamese fisherman, hinuhuli pa natin noong 2012, nagkaroon ng stand-off. D’yan po, si Senator Trillanes mismo ang naging back-channeler sa Chinese at on the record po ito lahat,” ani Cayetano sa panayam ng DZMM.
“Nag-decide sila na paalisin ‘yung mga ship natin kasi may usapan daw sila with the Chinese na aalis din. Sa haba ng istorya, umalis ‘yung ship natin, ‘yung sa Chinese hindi, they got control,” paglilinaw ng Kalihim.
Tuluyan nang hinarangan ang Scarborough shoal ng mga Chinese coast guards dahil sa mga maling desisyon ng nakaraang administrasyon.
Matatandaang ini-expose ni dating Senador Juan Ponce Enrile ang maraming “secret meetings” ni Trillanes sa China noong 2012.
Hindi isiniwalat ni Trillanes sa mga kapwa niya Senador ang buod ng mga meeting na ito.
Noon pa lamang ay binalaan ng dating Senate President si Aquino na ito ay magdudulot ng peligro sa national security ng bansa.
Kaugnay nito, nanindigan si Cayetano na maraming naging bunga ang seryoso at tahimik na pakikipag-usap sa China ng Duterte administration.
Tinawag din iresponsable ni Cayetano ang mga sinabi ni Rep. Gary Alejano at Trillanes tungkol sa aksiyon ng gobyerno sa pagbabantay sa West Philippine Sea.
Kinontra ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ni Alejano at Trillanes na hindi na nagpapatrolya sa Scarborough ang puwersa ng Filipinas. Sa katunayan aniya, tinatrabaho ngayon ng ahensiya ang upgrade sa kapasidad ng militar.
“Mayroon tayong mga ebidensiya na tuloy ang patrol sa West Philippine Sea. Hindi totoo na walang protest, ‘yun ang unang kasinungalingan. Hindi totoo na walang patrol. At higit sa lahat hindi totoo na nawala sa atin ang Sandy Cay,” paliwanag ni Cayetano.
Sinabi ng kalihim, dahil sa “fake news” na ipinapakalat ni Trillanes, lalong hindi mapapanatag ang sambayanan.
HATAW News Team