OPOL, Misamis Oriental – Natupok ang bunkhouse ng 200 construction worker sa Brgy. Igpit sa bayang ito, nitong Sabado ng umaga.
Nakaalis na para magtrabaho ang ilan sa mga manggagawa ng Equi-Parco construction company nang mapansin ng mga kasamahan ang makapal na usok mula sa isa sa mga kuwarto ng dalawang palapag na bunkhouse.
Sinubukan ngunit nabigo ang mga trabahador na apulain ang apoy, na lumaki agad dahil sa malakas na hangin.
Natupok na ang 150 kuwarto ng estrukturang gawa sa light materials bago nakarating ang mga awtoridad, sabi ng imbestigador na si Harold Cabasan.
Nasa P180,000 umano ang halaga ng ari-ariang natupok ng apoy.
Walang trabahador na nasaktan sa nasabing insidente.