PALAWAN – Patay ang isang bagong halal na punong barangay sa ikinasang operasyon kontra droga sa Balabac, Palawan nitong Biyernes.
Tinamaan ng bala ng baril sa kaliwang dibdib si Pistoh Hamja na uupo sanang tserman ng Brgy. Mangsee sa 30 Hunyo.
Ayon sa mga awtoridad, nanlaban umano si Hamja at nagtangkang mang-agaw ng baril.
Narekober sa kanyang bahay ang isang malaking pakete at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Brooke’s Point.
May isang testigo ang lumutang sa mga awtoridad na nagsabing may kinalaman umano si Hamja sa ilegal na transaksiyon ng droga sa Brgy. Mangsee.
Tumulak sa isla nitong Huwebes ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Palawan Provincial Police Office, Balabac Municipal Police Station, PNP Maritime Special Operations Unit at Marine Battalion Landing Team 4.
Pinasok ng mga awtoridad ang bahay ni Hamja, dakong 2:30 ng madaling-araw nitong Biyernes.
Itinanggi ng pamilya na sangkot si Hamja sa ilegal na gawain.
“Wala po siyang kinalaman sa droga. Matagal na siya pinagkakatiwalaan ng mga tao,” pahayag ni Asis Hamja, kapatid ng suspek.