IPINAALALA ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na hindi dapat gawing batayan ang edad sa pagtanggap ng empleyado.
Inihayag ni Nicanor Bon, pinuno ng DOLE Policy and Program Development Division, maaaring patawan ng parusa alinsunod sa Republic Act 10911 o Anti-Age Discrimination in Employment Act, ang mga employer na tatanggi sa mga aplikante dahil sa kani-lang edad.
“Pinapaalalahanan natin sila na mayroon batas tungkol diyan, na iyan ay ilegal, ang hindi pag-employ sa isang nag-aaplay, kung ang basehan ay edad, bawal iyon,” sabi ni Bon.
“Dapat tingnan iyong abilidad niya, skills niya, ‘yong kaniyang kaalaman o knowledge at saka qualification. ‘Di lang dapat sa edad ‘yan,” dagdag ni Bon.
Sa ilalim ng batas, maaaring maparusahan ang employer ng multang P50,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang dalawang taon, batay sa desisyon ng korte.
Handa rin umanong magpaabot ng tulong ang DOLE sa mga aplikanteng nakaranas ng age discrimination, gaya ng pagturo kung paano magsampa ng reklamo sa piskal.
Ngunit inilinaw ni Bon na may mga “lawful exception,” gaya ng mga trabahong hindi na maaaring kayanin ng mga matatanda tulad ng paghihinete o pagiging minero.