TATLONG miyembro ng umano’y akyat bahay gang at dalawang tulak ng ilegal na droga ang napatay nang manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na report ni SPO1 Jurly Garbo ng Batasan Police Station 6, dakong 2:00 am, unang napatay ang dalawang miyembro ng akyat bahay na kinilalang sina alyas Rigor, edad 35-40, at alyas Rak Rak, edad 25-30, kapwa nakasuot ng itim na maskara.
Ayon kay Mark Ugay, security officer ng Filinvest 2, Subdivision sa Brgy. Batasan Hills, napansin nilang bukas ang ilaw sa loob ng isang bahay sa San Mateo Road sa nasabing subdibisyon. Nang silipin nila ay nakita nilang may mga lalaking kahina-hinala.
“Alam po kasi namin na wala po ‘yung mga nakatira doon kaya naman agad kaming tumawag sa pulis,” ayon sa guwardiya.
Agad nagresponde ang mga operatiba ng Batasan Police, sa pangunguna ni Chief Insp. Sandie Caparroso, ngunit papalapit pa lamang sila sa lugar ay pinaputukan sila ng mga suspek kaya gumanti ng putok ng ang mga pulis na ikinamatay ng dalawa.
Narekober sa dalawang suspek ang cal. 38 revolver, cal. 38 Smith and Wesson revolver, backpack na may martilyo, screw driver, at nike pouch na may mga sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Habang dakong 2:50 am ay napatay ang isang hindi kilalang umano’y akyat bahay sa kanto ng Exeter at Midway streets, Forest Hills Subd., Brgy. Gulod, Novaliches.
Ang suspek na tinatayang edad 25-30, ay napatay nang manlaban umano sa nagrespondeng mga operatiba ng Novaliches Police Station 4, sa pamumuno ni C/Insp. Cyril Dagusen.
Samantala, napatay sa buy-bust operation ang hinihinalang dalawang tulak ng ilegal na droga nang manlaban umano sa mga operatiba ng QCPD Police Station 8.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Danilo Valenzuela, at alyas Bansot, edad 30-35. Napag-alaman, nagsagawa ang mga awtoridad ng buy-bust operation dakong 2:00 am sa Legaspi St., Brgy. Milagrosa, Quezon City.
Nagpanggap na buyer si PO1 Darwin Peralta ngunit nang makatunog ang dalawang suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon ay bumunot sila ng baril kaya inunahan silang pinaputukan ng mga pulis. (ALMAR DANGUILAN)