KOMPISKADO ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) Drug Enforcement Team ang 24 kilo ng hinihinalang shabu, tinatayang P163 milyon ang street value, sa arestadong mag-ina sa buy-bust operation sa Sta. Ana, Maynila, nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni NPD director, C/Supt. Amando Empiso ang arestadong mag-ina na sina Ruby Calabio, 61, at Ian Akira Calabio, 26, kapwa residente sa 2541 Interior 21, Pasig Line, Brgy. 778, Zone 85, Sta. Ana, Maynila.
Ayon kay Empiso, unang nadakip ng mga tauhan ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit sa buy-bust operation sa harap ng MCU Hospital, ang dalawang hinihinalang drug pusher na sina Luzviminda Basilio, 26, at Jocelyn Santos, 28, sa harap ng isang fastfood chain sa EDSA MCU, Brgy. 81 dakong 5:45 pm at inginuso nila si Ian Akira na kanilang source ng ilegal na droga.
Agad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng follow-up buy-bust operation, sa pangunguna ni S/Insp. Cecilio Tomas, Jr., kontra sa mga suspek dakong 11:15 pm, sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District (MPD).
Makaraang makabili ng tatlong plastic sachet ng shabu, na P30,000 ang halaga, ang poseur buyer na si PO1 Elouiza Andrea Dizon, sa mga suspek sa loob ng kanilang bahay ay agad silang inaresto ng mga operatiba.
Nang halughugin ng mga operatiba ang bahay ng mga suspek, natagpuan nila ang silver luggage bag na naglalaman ng 24 kilo ng hinihinalang shabu, na tinatayang P163 milyon ang street value.
ni ROMMEL SALES