MARIING inihayag ni Vice President Leni Robredo ang pangangailangan na maigting na maisaboses ang mga kaganapan sa West Philippine Sea, ang teritoryong pinipilit angkinin ng China.
Sa kaniyang talumpati sa isang forum sa University of the Philippines-Diliman nitong Lunes, muling idiniin ni Robredo na kailangang mas pagtibayin ng pamahalaan ang paninindigan para sa ating mga teritoryo, dahil apektado ang lahat ng mga Filipino.
“Hindi lamang tungkol sa mga lipon ng maliliit na isla at pulo ang mga kaganapan sa West Philippine Sea. Simbolo ito ng ating higit na matimbang na laban para sa soberanya ng ating bayan, para sa kapakanan ng bawat Filipino ngayon at sa susunod na mga henerasyon,” ani Robredo, isang araw bago niya pangunahan ang pagdiriwang ng ika-120 taon ng Araw ng Kalayaan sa Luneta, Maynila, kahapon.
“Simple lang naman ito: Ang atin ay atin. Obligasyon nating pangalagaan ang ating teritoryo, pati na ang kapakanan ng lahat ng nakatira rito. Hindi ito basta-bastang isinusuko o ibinibigay sa iba dahil lamang kinakatukatan natin sila. Kapag hinayaan nating yurakan ang karapatan ng ating mga kababayan, at nailagay sa peligro ang ating lupang sinilangan, binibigo natin ang bawat Filipino na umaasa sa atin,” dagdag ng bise presidente.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, natataon sa Araw ng Kalayaan ang mga panawagan na makilahok at makialam ang sambayanan sa isyung ito.
Aniya, hindi dapat masilaw ang sambayanan sa umano’y pangako ng China na tutulungan ang ekonomiya ng bansa.
Idiniin niya rin na dapat dalhin ng pamahalaan sa tamang forum ang isyu, sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest at pagkilala sa desisyon ng International Arbitration Court sa The Hague noong 2016, na pumabor sa Filipinas.
Ayon sa Bise Presidente, nasasaad sa Saligang Batas ang responsibilidad ng bawat administrasyon na pangalagaan ang kasarinlan at interes ng Filipinas sa mga ganitong usapin — at maraming paraan upang ito ay maisakatuparan sa pamamagitan ng diplomasya at pagkuha ng suporta ng international community.
HATAW News Team