APROBADO ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P41.50 dagdag sahod para sa mga manggagawa sa Western Visayas.
Ang P26.50 dito ay dagdag sa basic pay habang ang P15 ay dagdag sa cost of living allowance (COLA).
Kaya mula sa P323.50, magiging P365 ang mimimum wage sa naturang rehiyon.
Sakop ng dagdag sahod ang mga manggagawa mula sa non-agricultural, industrial, at commercial establishments na may mahigit 10 empleyado.
Para sa mga may sampu o mas mababang empleyado, P23.50 ang dagdag na sahod kaya P295 na ang suweldo nila kada araw.
Para sa plantation at non-plantation agricultural establishments, P295 rin ang magiging minimum wage.
“I asked the labor sector [and] I asked the management, doon na pumasok ang haggling ng amount… Sabi ng labor we can allow that amount,” paliwanag ni Johnson Cañete, regional director sa Department of Labor and Employment-Western Visayas.
Ngunit ayon sa General Alliance for Workers Association, hindi sapat ang halaga dahil malayo ito sa P130 hanggang P150 na nakasaad sa petisyon ng Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union – Trade Union Congress of the Philippines.
Batay sa ilang probisyon ng wage order, sa Nobyembre pa epektibo ang dagdag na sahod sa Aklan dahil sa pagsasara ng Boracay.
Habang sa mga lugar na umaasa sa sugar industry, ang COLA adjustment ay ipatutupad sa pagbalik ng milling season.
Bukas ang wage board sa anomang apela hinggil sa nasabing dagdag-sahod.