READ: Imbestigasyon sa NCCC matutulad lang sa RWM
MAY rekomendasyon na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kung sino ang dapat kasuhan sa pagkasunog ng NCCC Mall sa Davao City noong 27 Disyembre 2017.
Kabilang sa mahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang NCCC management at contractor ng NCCC building, ilang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), city building officials, at ilang mga opisyal at tauhan ng Philippine Economic Zone Authority.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, marami umanong nakitang pagkukulang ang mga imbestigador ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force gaya ng dysfunctional sprinkler system sa ika-apat na palapag, insufficient means of egress, mga exit door na walang self-closing device, at mga hagdan na hindi fully enclosed.
Habang ayon kay Fire S/Supt. Jerry Candido, tagapagsalita ng task force, nang isinagawa ang renovation sa ikatlong palapag bago pa ang sunog, hindi umano nasunod ng NCCC management at contractor ang mga protocol na inilatag ng BFP.
Dagdag niya, hindi rin umano nagpaalam sa BFP ang NCCC Mall na magsasagawa ito ng renovation.
Nalaman din sa imbestigasyon ang umano’y malpractice sa installation ng electrical wiring sa ikatlong palapag, pagkuha ng mga trabahante na walang lisensiya, at pagsasagawa ng renovation kahit walang building permit.
Ayon sa task force at DILG, handa na silang kasuhan ang mga responsable sa sunog at pagkamatay ng 38 empleyado na na-trap sa sunog at hinihintay ngayon ang Department of Justice sa pagsasampa ng mga kaso.