HINATULAN ng Sandiganbayan si dating Intramuros Administration chief Dominador Ferrer Jr., ng anim hanggang sampung taon kulong dahil sa maanomalyang pag-lease sa dalawang government properties ng pribadong kompanya noong 1998.
Si Ferrer ay napatunayang guilty sa pagkakaloob ng “unwarranted benefits” sa Offshore Construction and Development Company (OCDC) para sa lease contracts nito sa Baluarte de San Andres at Baluarte de San Francisco nang walang public bidding, ayon sa Office of the Ombudsman.
Ito ay paglabag sa 1989 joint circular ng Department of Budget and Management, Department of Environment and Natural Resources and the Department of Public Works and Highways, pahayag ng Ombudsman sa reklamo nito.
Inakusahan din ng Ombudsman ang dating Intramuros administrator ng paglabag sa Intramuros Charter at sa National Building Code sa pagpapahintulot ng konstruksiyon ng bagong mga estruktura sa leased areas nang walang ano mang building permit o clearance.
Sa desisyong inilabas noong 11 Mayo 2018, pinagtibay ng korte ang pananagutan ni Ferrer sa kapabayaan dahil sa pagpa-pahintulot ng development sa leased properties bagama’t ang OCDC ay kulang sa required permits.
“Accused Ferrer’s own testimony and acts reveal that, at the very least, he had indeed exhibited gross inexcusable negligence in allowing the lessees to develop and construct on the leased premises, even as their compliance with requirements remained deficient, and with knowledge that such was in contravention of his duties under the Intramuros Charter,” ayon sa korte.
Ang desisyon ay isinulat ni Sandiganbayan 2nd Division Chairperson Oscar Herrera Jr., at sinang-ayonan nina Associate Justices Michael Frederick Musngi at Lorifel Pahimna.