NANATILI ang lakas ng bagyong “Domeng” na posibleng magdulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.
Ayon sa ulat ng state weather bureau PAGASA kahapon, taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kph malapit sa gitna at pagbugso na pumapalo sa 65 kph.
Wala pang anunsiyo ang PAGASA ukol sa pagtaas ng storm signal warning.
Dagdag ng state weather bureau, hindi tatama sa lupa ang bagyo ngunit palalakasin nito ang habagat na magpapaulan sa MIMAROPA at kanlurang Visayas simula ngayong Huwebes.
Makararanas din ng pag-ulan ang kanlurang Luzon kabilang ang Metro Manila hanggang Linggo bunsod ng bagyo.
Patuloy na kumikilos ang bagyo pahilagang kanluran at inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa umaga ng Linggo.
Huling namataan ang bagyo sa silangan ng Catarman, Northern Samar.
Pinag-iingat ng PAG-ASA ang mga residente sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Pinapayohan din ng ahensisya ang mga mangingisda sa mga baybayin ng mga nabanggit na lugar na huwag munang pumalaot.