INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communications Assistant Secretary Mocha Uson upang humingi ng apology kay Kris Aquino kaugnay sa social media post niya na ikinasama ng loob ng dating presidential daughter.
Sa press conference kahapon sa Presidential Guest House, sinabi ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong ‘ Go, pumayag si Mocha na mag-sorry kay Kris.
Aminado si Go, may nasaktan sa naging pagtatanggol ni Mocha sa paghalik ni Duterte sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Seoul, South Korea kaya sila na mismo ni Pangulong Duterte ang humingi ng paumanhin kay Kris.
“Kris Aquino reached out to me and we conveyed our apologies for the incident, we, ibig sabihin kami ni Pangulong Duterte, we conveyed our apologies concerning her and Mocha. We understand the emotions of both sides,” ani Go.
Dagdag niya, hiniling nila kay Mocha na huwag nang palakihin pa ang isyu at sumang-ayon naman siya na hihingi ng sorry kay Kris.
“Nag usap kami ni Mocha at nagkasundo na tapusin na ang isyung ito. We all agreed to put this issue to rest out of respect to all our fellow Filipinos. I believe that politics should not divide us. Magtulungan na lang tayo kaysa mag-away-away para sa ikabubuti ng bayan,” ani Go.
Ayon kay SAP, naiintindihan nila ang dalawa, si Kris nasaktan sa paghahambing sa kanyang namayapang ama na hinalikan ng tagasuporta habang si Mocha ay ipinagtanggol si Pangulong Duterte sa paghalik sa OFW. (ROSE NOVENARIO)