MAY mga miyembro ng media na kabilang sa updated “narco-list” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ayon kay Director General Aaron Aquino, nitong Miyerkoles.
“Sa uniformed personnel pa lang, 800 plus ‘yun. Kasama na riyan ‘yung media, judges, government workers, elected government officials, nandiyan lahat ‘yan. Kaya from 3,000, na-doble na,” pahayag ni Aquino.
Aniya, ang updated narco-list ay resulta ng months-long efforts ng apat ahensiya ng gobyerno na nag-cross-check at nag-re-validate sa bawat pangalan. Aniya, ang re-validation ay inaasahang matatapos makaraan ang dalawang linggo.
Dahil sa re-validation efforts, sinabi ni Aquino, ang bilang ng mga mambabatas, barangay at iba pang mga opisyal ay nadoble.
“Nagsimula ito ng 3,000 plus noong 2016 and ngayon nasa mahigit 6,000 na,” aniya, idinagdag na ang 3,000 ay nasa listahan na ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Karamihan sa mga opisyal, kabilang ang 67 mayors, ay tinagurian bilang “coddlers and protectors” ng drug personalities, ayon kay Aquino.