NAGBABALA si Pangulong Rodigo Duterte na idedeklara niya ang martial law sa buong bansa kapag hindi tumigil ang mga kitiko sa pagbatikos sa kanya.
Sinabi ng Pangulo, nagpapasalamat siya sa Diyos na sa huling yugto ng kanyang buhay ay binigyan siya ng tsansa na makapagsilbi sa bayan kaya’t may mga pagbabago sa mga susunod na araw sa bansa lalo sa aspekto ng public order and security.
“And I thank God that binigyan ako ng panahon na magsilbi sa bayan ko so that there will be changes in the coming days including public order and security. There are simply too many crimes and too many — claiming to be this and that,” anang Pangulo sa media interview pagbalik sa bansa mula sa 3-day official visit sa South Korea kamakalawa ng gabi.
Paliwanag ng Pangulo, walang pagkakaiba ang national emergency at martial law kaya’t ang babala niya sa lahat pati ang human rights advocates, mahaharap sa seryosong problema kapag hindi “umayos.”
“Well, remember that there is — there’s no difference actually between martial law and a declaration of national emergency. So I’ve been warning all. Lahat. I’m warning all including the Human Rights, it’s either we behave or we will have a serious problem again. Mahirap ‘yan,” dagdag niya.
Dahil aniya sa itinatambol na masamang human rights situation sa bansa ng mga kritiko, natatakot pumasok ang investors kaya kahit ang emergency power lang ang hawak niya ay itotodo niya ang pagpapatupad dito upang ibalik sa ayos ang kalagayan ng bansa.
“Most of the complaints here is ‘di papasok dito kasi takot kidnapin, patayin. Well, somehow, even with this meager emergency power, I will use it to the hilt at put things in order,” sabi niya.
Nagbanta rin ang Pangulo sa mga tanggapan ng gobyerno na hindi makontrol ang korupsiyon, na isasailalim sa Office of the President.
“Ni-warning ko lang kayong mga kriminal, lahat na. Nasa gobyerno, sa labas. I will make radical changes in the days to come. For those offices na hindi talaga ma-control, I will place you under the Office of the President. Ako na mismo ang kaharap mo araw-araw,” giit niya. (ROSE NOVENARIO)