INIHAYAG ni dating Pangulong Benigno Aquino III kahapon, hindi niya maalis sa kanyang isipan na posibleng mangyari sa kanya ang naging kapalaran ni Senadora Leila de Lima na kinasuhan at ikinulong.
“Hindi natin maiiwasan mag-isip nang gano’n,” pahayag ni Aquino sa press conference makaraan ihain ang kanyang tugon sa reklamo laban sa kanya sa Department of Justice, kaugnay sa P3.5-bilyong dengue immunization program ng kanyang administrasyon.
Si De Lima, kinasuhan bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison noong siya ay Justice secretary sa ilalim ng administrasyon ni Aquino, ay hindi pa nababasahan ng sakdal at hindi pa nililitis kaugnay ng mga kasong inihain sa kanya.
Si De Lima na mahigpit na kritiko ni Duterte, ay mahigit isang taon nang nakakulong dahil umano sa itinuturing ng mga alyado ng senadora na “political persecution.”
Sa kabilang dako, si Aquino ay nahaharap sa mga kaso hinggil sa umano’y kanyang pananagutan sa Dengvaxia fiasco.