SEOUL – APAT na bilateral agreements ang nilagdaan sa harap nina Pangulong Rodrigo Duterte at South Korean President Moon Jae-in sa Blue House kahapon.
Kabilang sa mga kasunduan ang memorandum of understanding on transportation cooperation, memorandum of understanding on scientific and technological cooperation, memorandum of understanding on trade and economic cooperation at loan agreement para sa bagong Cebu International Container Port project.
Naglaan ang SoKor government ng P1-B para sa Economic Cooperation Fund para ipantustos sa mga programang pang-impraestruktura ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA).
Inaasahang lalong magiging matatag ang relasyong Ph-SoKor sa paglagda sa mga naturang kasunduan lalo na’t ipagdiriwang sa susunod na taon ang ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.
Matatandaan, nang sumiklab ang digmaan sa Korea noong 1950, ang Filipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagpadala ng mga tropa sa ilalim ng United Nations command upang tulungan ang South Korea na ipagtanggol ang kanilang kalayaan.
(ROSE NOVENARIO)