POSITIBO sa droga ang miyembro ng Special Action Force (SAF) na inaresto nitong Sabado, ayon kay Philippine National Police chief, Director General Oscar Albayalde nitong Lunes.
Si PO3 Lyn Tubig ay iniharap sa media nitong Lunes, dalawang araw makaraan arestohin habang bumabatak umano ng shabu kasama ng kanyang boyfriend at ama ng huli sa Taguig City.
“She tested positive sa illegal drugs,” ayon kay Albayalde. “The result just came out.”
Ang 30-anyos na si Tubig ay dating nakatalaga sa 44th Battalion sa Camp Bagong Diwa.
Kasama niyang inaresto ang kanyang boyfriend na si Vincent German, 21, at ama ng huli na si Fernando German.
Nauna rito, sinabi ni National Capital Region Police Office head, C/ Supt. Guillermo Eleazar, si Tubig ay 11 taon na sa serbisyo.
Samantala, idinepensa ni Albayalde ang pagharap sa media sa akusadong pulis, sinabing hindi ito bahagi ng shame campaign.
“It is not a shame campaign,” aniya. “It’s not for anything else. We just want to be fair to the public, the Filipino people. Hindi porke pulis ay itinatago natin.”
Bukod kay Tubig, 10 Bulacan policemen na inakusahan ng extortion, ang iniharap din sa media nitong Lunes.
Sinabi niyang ang pag-aresto sa tiwaling mga pulis, “will bring a strong signal already to our men in uniform” laban sa paggawa ng krimen.
“Alam naman nila na we are dead serious with our internal cleansing, discipline and also professionalism namin in our ranks,” pahayag ni Albayalde.