SEOUL – SINIBAK ni Pangulong Rodrigo Duterte si PhilHealth interim president Celestina dela Serna dahil sa napaulat na santambak na katiwalian sa ahensiya.
Kasalukuyang nasa Seoul si Duterte at inihayag niya ito sa isang konsultasyon sa mga opisyal ng pamahalaan na kasama sa delegasyon.
Sinabi ng source, ang pumalit kay Dela Serna bilang officer-in-charge ng Philhealth ay si Roy Ferrer, doktor at board member ng PhilHealth bilang employers sector representative at isang tubong Davao City.
Nauna rito, pinaimbestigahan ni Pangulong Duterte ang PhilHealth dahil sa COA report na P627,000 travel expenses ni Dela Serna at ang pagkalugi ng ahensiya ng halagang P9-B.
Sa liham ng Philhealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (Philhealth WHITE) kay Pangulong Duterte, isiniwalat ng mga obrero ang paglagak ng P900 milyon mula sa P1 bilyon Externally Managed Fund (EMF) sa common stocks na labag sa Section 27 (d) ng Republic Act 10606 (PhilHealth Charter) na nagtatakda na dapat ay sa preferred stocks lamang puwedeng i-invest ang EMF.
Ang pag-invest ng EMF sa common stocks ay nagresulta sa pagkalugi ng P116 milyon, batay sa income statement.
Nabatid sa PhilHealth WHITE, katumbas ng estafa ang sabwatan nina Dela Serna at PHICEA President Esperanza Ocampo, ang ilegal na pagpataw ng P2,000 na 10% agency fee sa 2016 at 2017 collective negotiation agreement (CNA) incentive na nagkakahalaga ng P20,000 noong nakalipas na Enero 2017 sa 3,500 casual employees na umabot sa P16 milyon.
ni ROSE NOVENARIO