INIHAYAG ng isang labor group sa kanilang panukalang batas ang mga basehan na dapat ikonsidera ng gobyerno para sa dagdag na P320 sa national minimum wage.
Nakapaloob sa inihaing House Bill 7805 o “The Living Wage Act of 2018” ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang mga dahilan kung bakit napapanahon nang itaas muli ang sahod ng mga manggagawa.
Anila, kailangan ng umento upang makaagapay ang mga manggagawa sa inflation o ang pagmahal ng presyo ng mga bilihin.
Makatutulong din anila ang umento sa sahod upang maibsan ang inaasahang taas-singil sa tubig, koryente, at pamasahe.
Apela ng ALU-TUCP na maibalik sa mga manggagawa ang binabawas sa mandatory deductions tulad ng PhilHealth, SSS, at PAG-IBIG.
Bumababa rin daw ang tunay na halaga o mga produkto na kayang bilhin ng minimum wage.
Giit ng grupo, wala pang sapat na umento sa sahod ang makatutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga manggagawa.
“About 305 wage orders have been issued…yet not one granted a real wage that is sufficient to cover the basic needs of workers and their families,” saad ng explanatory note ng ALU-TUCP.
Hindi rin naniniwala ang grupo na malulugi ang mga kompanya kapag ipinatupad ang panukalang umento sa sahod taliwas sa nauna nang sinabi ng ilang employer.
“Kapag tumaas ang take-home pay, lalakas ang purchasing power, gaganda ang takbo ng ekonomiya,” ani TUCP vice president Louis Corral.
Habang ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Silvestre Bello III, posible ang umento sa suweldo ngunit hindi kasing-taas ng hinihingi ng grupo.