INIHAYAG ng Malacañang nitong Huwebes na kinikilala umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nararamdamang pasakit ng mga Filipino sa pagtaas ng mga produktong petrolyo na naka-aapekto sa presyo ng mga bilihin.
Ang pahayag ay ginawa ng Palasyo isang araw makaraan sabihin ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi dapat maging reklamador at iyakin ang mga Filipin sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“The President does not consider the Filipinos as crybabies,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Dagdag ng opisyal, hindi tatalikuran ni Duterte ang milyong-milyong bumoto sa kaniya [Pangulo].
“Kinikilala po ni Presidente na talagang nagkakaroon ng pagsubok dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng krudo na nagresulta sa pagtaas [ng presyo] ng mga produkto ng lahat halos ng mga bagay-bagay. At dahil siya ay Presidente na hinalal ng mga maliliit na tao, hindi naman pupuwedeng talikuran ng Presidente iyong mga naghalal sa kaniya,” sabi pa ni Roque.
Nitong Miyerkoles, ipinaalala ni Diokno na mas malalala ang sitwasyon noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na umabot umano sa $135 per barrel ang presyo ng krudo. Ngayon ay halos umabot na sa $80 per barrel ang krudo sa world market.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, may mga panawagan na suspendehin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, na nagpapataw ng excise tax ng P2.50 per liter sa diesel at P7 sa gasolina.
Ipinaubaya ng Palasyo sa Kongreso ang pasya tungkol sa usapin ngunit nagpa-alala sila sa negatibong epekto sa mga proyekto ng gobyerno kapag sinuspinde ang Train law.
Idinipensa rin ni Duterte ang pangangailan sa tax reform program sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Inflation is always there. There are many reasons, but actually, one of them is TRAIN. But I need money also to run the country. If you do not give it, fine,” ani Duterte.