POSIBLENG maging tropical depresseion sa loob ng ilang araw ang dalawang low pressure area (LPA) na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, huling namataan ang unang LPA sa layong 335 kilometers west southwest ng Puerto Princesa City sa Palawan.
Habang sa layong 900 km east southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur, nakita ang ikalawang LPA.
“Ang dalawang low pressure area ay nakapaloob sa intertropical convergence zone (ITCZ),” ayon kay weather specialist Shiella Reyes.
Dahil sa LPA, inaasahan magdudulot ito ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa Palawan.
Habang ang ITCZ ang magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa eastern at western Visayas at Mindanao, partikular sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, ARMM at Socsargen.
“Paalala lang po na maging alerto sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa malalakas na pag-ulan at kung pwede po ay makipag-coordinate sa ating disaster risk and reduction management offices,” payo ni Reyes.
Nakikita ng PAGASA na posibleng mabuo bilang tropical depression sa West Philippine Sea ang LPA sa Palawan sa loob ng dalawa hanggang apat na araw.
Ang LPA sa East of Mindanao ay maaaring maging tropical depression sa Philippine Sea sa loob ng tatlo hanggang limang araw.
“Ang easterlies naman o ang mainit na hanging nanggagaling sa Dagat Pasipiko ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa,” sabi ni Reyes.
Sa Luzon, kasama ang Metro Manila, ay makararanas ng magandang panahon maliban sa localized thunderstorms sa bandang hapon o gabi.
Dagdag ni weather forecaster Ezra Bulquerin, papangalanan bilang “Domeng” at “Ester” ang dalawang papasok na bagyo.
“Inaasahan po natin na ang magiging unang bagyo ay yung nandito malapit sa Palawan, papangalanan po nating ‘Domeng’.
Kasunod natin letter E, Ester naman ang ipapangalan natin,” sabi ni Bulquerin.
Samantala, tinataya ng PAGASA na sa loob ng dalawang linggo ng Hunyo ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
“Yung onset ng monsoon natin ay inaasahan June 4 to 14 yung date na tinitingnan natin,” paliwanag ni Bulquerin.