READ: Water tank sumabog 2 sanggol, 2 pa patay (Sa San Jose del Monte, Bulacan)
READ: Water tank explosion victims umapela ng ayuda
SINAMPAHAN ng murder si San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes at kanyang mister na si Mayor Arthur Robes, sa Office of the Ombudsman nitong Lunes, hinggil sa naganap na pagsabog ng water tank na ikinamatay ng apat katao noong 2017.
Isinampa ni Councilor Irene del Rosario, na humingi ng tulong sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) dahil sa pangamba sa kanyang kaligtasan, ang apat bilang ng murder at 43 bilang ng frustrated murder laban sa mag-asawang Robes.
Gayondin ay sinampahan ng kaso ni Del Rosario sina San Jose Del Monte Water District (SJDMWD) general manager Loreto Limcolioc, board chairman Enrique Delos Santos, secretary Felipe Policarpio Jr., board members Victoria Camua at Jovita Vizmonte-Mateo, assistant general manager Engr. Victor Canita Jr., private secretary to the city mayor Perfecto Tagalog, at isang nagngangalang Gil Gayosa.
Ayon kay Del Rosario, ang mag-asawa ang nasa likod ng pagguho ng water tank sa Brgy. Muzon noong 6 Oktubre.
Aniya, ang insidente ay resulta nang sabwatan ng mag-asawang Robes sa iba pang respondent para sa itinutulak na pagsasapribado ng SJDMWD.
“They deliberately caused the explosion of this water tank without regard to the big risk that it would likely cause deaths to the residents around the said tank,” pahayag ni Del Rosario sa kanyang complaint affidavit.
Inihayag niya sa mga mamamahayag na nag-attach siya ng “circumstantial evidence” na nagsasangkot sa mag-asawang Robes sa insidente upang maisakatuparan ang takeover ng Primewater, ang kompanyang pag-aari ng pamilya ni Senadora Cynthia Villar, sa water district.
Sinabi ni Del Rosario na siya ay may sworn statements ng dalawang testigo, nagsasabing sila ay binayaran ni Tagalog, na umano’y ‘political operator’ ng mga Robes, upang tukuyin ang una bilang pangunahing suspek sa kaso.
“Mayroon akong dalawang surrendered witnesses who testified na binayaran sila ni Tagalog para sabihin na isa ako sa mastermind sa pagpapasabog ng tangke sa Barangay Muzon. Maybe because I am very vocal with my opposition sa joint venture with Primewater,” ayon kay Del Rosario.
Idinagdag niyang ang mga testigo ay nanatili sa farm na pag-aari ng mag-asawang Robes.
“Kung walang foul play sa pagsabog ng tangke, bakit kailangan mag-hire si Tagalog? And base sa pahayag ng mga witnesses, sila ay tumira sa farm na pag-aari ng mag-asawang Robes. Doon sila itinago,” ayon kay Del Rosario.
Nang tangkang kuhaan ng komento, sinabi ng tanggapan ni Rep. Robes na babasahin muna ng mambabatatas ang reklamo bago magpapalabas ng pahayag.