INIHAIN sa Kamara nitong Lunes, ng mga mambabatas na kasapi ng Makabayan bloc, ang panukalang batas na naglalayong itakda sa P750 ang minimum wage kada araw sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Sa ilalim din ng House Bill 7787, bubuwagin ang National Wages and Productivity Commission na gumagawa ng mga polisiya sa sahod at bibigyan ng mandato ang pangulo na magtakda ng national minimum wage.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, layunin ng panukala na maibsan ang hirap na nararanasan ng mga Filipino na apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng reporma sa buwis.
“The minimum wage must be reverted back to a national wage standard. Almost all prices of basic good and services being traded in all regions are similar nationwide,” sabi ni Zarate.
Ayon kay Zarate, mali umanong ipagpalagay na mas mababa ang gastos ng pamumuhay sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila.
“It is not reflective of the real situation,” aniya.
Sa kasalukuyang sistema, itinatakda ang minimum wage sa bawat rehiyon ng mga regional board.
Ang pinakamataas ay sa Metro Manila sa P512 kada araw habang pinakamababa sa Ilocos Region sa P280 kada araw.
Batay raw sa pag-aaral ng IBON Foundation, ani Zarate, kinakailangan ng isang pamilyang may anim miyembro, ng P1,168 para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan, na malayo sa kasalukuyang halaga ng mga minimum wage.