INOOBSERBAHAN sa pagamutan ang isang barangay chairwoman makaraan barilin ng nag-iisang gunman sa Pasay City, nitong Sabado ng hapon.
Nakaratay sa Manila Adventist Hospital ang biktimang si Teresita Biscocho, 59, chairwoman ng Brgy. 1, Zone 1, at residente sa 1739 Cuyegkeng St., F.B. Harrison ng lungsod.
Ayon sa ulat, binubusisi ng pulisya ang CCTV footage para sa pagkakakilanlan ng gunman na may taas na 5’5, kayumanggi, nakasuot ng itim na helmet, naka-sunglass, rubber shoes at lulan ng MIO scooter na pula at walang plaka.
Sa report na natanggap ni Pasay City Police chief, S/Supt. Noel Flores, nakita sa CCTV camera na dakong 1:10 pm, mula sa Southbound ng F.B. Harrison, kumanan ang isang motorsiklo lulan ang suspek sa Layug St., at kumanan muli sa Cuyegkeng St.
Sinasabing may hinahanap umano ang suspek at nang hindi niya makita ang target ay umikot muli at bumalik upang alamin kung naroroon na ang kanyang hinahanap.
Nang mamataan ang target na naghuhugas ng pinggan sa tabi ng barangay hall, agad bumunot ng baril ang suspek at tatlong beses na pinaputukan ang biktima.
Ayon kay S/Insp. Wilfredo Sangel, hindi pa nagbibigay ng anomang pahayag ang pamilya ni Biscocho dahil abala sa pag-aasikaso sa biktima.
Dagdag ni Sangel, ilan sa mga kaibigan ng biktima ang nagpahayag sa imbestigador na may natatanggap na banta sa buhay ang biktima.
“Lahat ng posibleng motibo ay aming tinitingnan,” ani S/Insp. Sangel.
(JAJA GARCIA)