SA unang pagkakataon ay sasabak sa action ang indie actor na si Junar Labrador. Para sa kanya, magkahalo ang kanyang naramdaman sa ginampanang papel sa pelikulang Batas ng Lansangan.
Gaganap dito si Junar bilang leader ng mga pulis na nilalabanan ang problema ng lipunan hinggil sa droga at human trafficking. ”Medyo mahirap pero masayang gawin, nakapapagod kasi ‘yung mga fight sequences at kailangan synchronized talaga. Kasi kung hindi, halatang akting lang,” saad ni Junar.
Nabanggit din niya na napapanahon ang pelikulang ito mula sa GVT Films & Super Angels Production at mula sa panulat at pamamahala ni Direk Vic Tiro. ”Very timely ang movie, kasi nagkaron nga ng kontrobersiya ukol sa tokhang lalo sa mga kabataan. Ipinapakita kasi rito kung gaano naaapektohan ang mga kabataan sa ganitong sitwasyon, na nauuwi sa mga hindi magandang katapusan sa mura nilang edad.”
Ang Batas ng Lansangan ay mayroong premiere night ngayong Lunes, May 28 2018, 8pm, sa Bacoor Gymnasium at ang event ay suportado ni Bacoor, Cavite mayor Lani Mercado.
Tampok sa pelikula sina Erica Corpuz, Angelica Gee, Pauline Grace Lanada, Hanna Katrina Orcajada. Kevin Padilla at Nori-Mae Somoso. Kasama rin dito sina Tony Leyba, Junar, Joey Egana, Arkin Raymund da Silva, Nelo Hervias, Manilette Lopez, Marlon Mance, at iba pa.
Ano ang masasabi mo sa mga bida rito at sa director n’yo? “Iyong mga bida rito, since mga bata pa sila, marami pa silang dapat matutuhan sa larangan ng acting. Pero nandoon ‘yung dedication sa kanila, iyong willingness na mapaganda ang kanilang akting kahit sila ay mga baguhan pa lang.
“Pagdating kay direk Vic, natutuwa ako kasi nandoon ang kanyang passion pagdating sa larangan ng action. Gusto niya maibalik ang action genre sa mga pelikula, kaya masusi niyang pinag-aralan ang aming mga action scenes. And dito, bukod sa action, mayroon ding drama at kaunting comedy ang movie,” aniya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio