KINASTIGO ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang isang abogado ng talunang kandidato na si Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kwestyonableng galaw sa ginagawang manual recount ng boto para sa bise presidente.
Pinagsabihan ng PET si Atty. Joan Padilla, isa sa counsels of record at ang party supervisor ni Marcos sa kanyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo, dahil sa maling kilos nito sa ginagawang manual recount.
Pinagbawalan ng PET si Padilla na makialam sa sinoman sa mga PET Head Revisors at sa kabuuan ng proseso ng revision. Nagsimula ang revision noong ika-2 ng Abril 2018 at unang binuksan ang ballot boxes ng Camarines Sur.
Inutusan kasi ni Padilla ang PET Head Revisors na sundin ang 50-percent threshold percentage sa manual recount.
Inutusan pa niya ang PET Head Revisors na ilagay sa bawat sulok at sa bawat mesa sa revision area ang naunang resolusyon ng PET ukol sa threshold.
Narinig din si Padilla na minamandohan ang PET Head Revisors na huwag nang ikompara ang botong nakuha ni Robredo sa election returns. Ang election returns ang naging basehan ng National Board of Canvassers sa pagproklama kay Duterte at Robredo nung 2016.
Nangamba ang ilan sa mga nakakita ng paggalaw ni Padilla na baka senyales ito ng isang planong panggugulo sa dapat sana ay maayos na proseso ng recount.
Matatandaang simula pa lang ng recount sa Camarines Sur ay ano-anong balita ang inilalabas ng kampo ni Marcos, mula wet ballots hanggang audit records na hindi raw iniwan sa ballot boxes.
Ngunit napatunayan naman na walang pandarayang nakakabit sa wet ballots. Maging ang audit records ay hindi dapat iniiwan sa ballot boxes base sa alituntunin mismo ng Comelec.