DUMATING sa bansa ang 32 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa nagsarang construction company sa Doha, Qatar, nitong Sabado.
Dumating ang grupo sa NAIA Terminal 1 sakay ng Qatar Airways flight 928 at sinalubong ng mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Salaysay ng mga OFW, apat buwan silang hindi pinasahod ng kompanya at nawalan ng pagkain sa tinitirahan bago malaman na isasara na ito.
Nadesmaya ang 32-anyos na si Mark Joseph Hermosa dahil unang beses niyang magtrabaho sa labas ng bansa. Wala umano tuloy siyang naipadala sa mga kaanak niya rito sa Filipinas.
Humingi ng tulong ang mga trabahador sa embahada para makauwi. Inisponsoran ng foundation ng pamahalaan ng Qatar ang pag-uwi nila.
Sinabi ng mga umuwi na mayroon pa silang mga kasamahang naiwan sa Qatar.
Noong mga nakaraang buwan, umuwi rin ang ilang Filipino na nagtrabaho para sa Advance Vision sa Kingdom of Saudi Arabia.
Balak ng mga trabahador ng Advance Vision na habulin ng danyos ang employment agency nila.