INIUTOS ng Department of Justice nitong Linggo ang 60-day preventive suspension laban sa tatlong prosecutor ng Pasay City na nagpahintulot sa pagpapalaya sa mga suspek na sangkot sa smuggling incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong 5 Mayo.
Iniutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang suspensiyon kina City Prosecutor Benjamin Lanto, Assistant State Prosecutor-Inquest Prosecutor Florencio Dela Cruz, at Associate Prosecution Attorney I Clementine Villanueva dahil sa umano’y “gross neglect of duty, gross incompetence, and inefficiency.” Ang order ay may petsang 21 Mayo.
Sinabi ni Guevarra, iniutos ng nabanggit na mga prosecutor ang pagpapalaya kay NAIA Customs Operations Officer V Lomontod Macabando at mag-asawang sina Abraham Mimbalawag at Bang-sa Mimbalawag, na umano’y tangkang mag-smuggle ng 1.9 kilograms ng gold jewelry sa bansa, sa kabila ng mga ebidensiya laban sa kanila. Ang tatlong prosecutors ay inatasang maghain ng kani-kanilang beripikadong tugon, gayondin ang kanilang affidavit of witnesses at documentary evidence, sampung araw makaraan matanggap ang suspension order.