KAMAKAILAN lang mga ‘igan, matapos madawit umano sa korupsiyon, pinagbitiw ni Ka Digong Duterte sa kanilang posisyon ang dalawang assistant secretary, na sina Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr., at Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Secretary Tingagun Ampaso Umpa.
Humabol pa si “P80-milyon Buhay Carinderia project ni resigned Tourism Promotion Board (TPB) chief operating officer (COO) Cesar Montano. Mantakin n’yong pinagbitiw si Ka Buboy ni Ka Digong at take note ‘igan, humirit pa ng extension!
Aba, aba, aba Bugoy ‘este Buboy ‘ASAP’ ang ibig ni Ka Digong. Mag-alsa-balutan ka na agad baka magbago ang ihip ng hangin, masampahan ka pa ng kasong “Plunder!” Pero, teka…bakit nga ba hindi s’ya sampahan ng Plunder case?
Puwede…
‘Di pa man nag-iinit… aba’y isa na namang opisyal ng gobyerno ang umano’y humingi ng tulong sa kapatid ni Ka Digong para sa isang proyekto. Hayun! Pinatanggal ni Ka Digong! Sus ginoo, kung ‘di ba naman gago ‘este garbo ang ibig ng mamang ito’t nakipag-usap pa sa isang miyembro ng “First Family.”
Hala ka…lagot ka!
“I asked for support of one of the First Family, tinanong ko…Mam, Sir, ituloy ko ba ito? Kung sabihin n’yong hindi, hindi ko na ituloy. Sabi niya, “Go!” Hindi ko na sasabihin kung sino…” paliwanag ni former Department of Transportation (DOTr) Asec. Mark Tolentino.
He he he…talagang hindi mo na masasabi kung sino…ligwak ka na ‘igan! He he he…ikaw naman, maraming totoo at tamang taong malalapitan upang masagot ang mga tanong na gumugulo sa isipan mo, bakit sa kamag-anak pa ni Ka Digong! Hayan, sibak ka tuloy! Mag-isip-isip pag may time Asec, nang hindi mapatalsik!
Ito’y mainit-init pang anunsiyo mga ‘igan, lima pa umanong opisyal ng gobyerno, ang sisibakin ni Ka Digong dahil sa umano’y korupsiyon. Go, go, go Ka Digong, marami pang salaulang opisyal ng gobyerno ang dapat sibakin!
Basta’t sangkot sa kurakot, lagot kay Ka Digong…
Abangan!
BRGY. CHAIRMAN
WALANG BOTO
PAANONG NANALO?
DITO sa Maynila mga ‘igan, samot-saring katarantadohan ang nangyayari, partikular noong nakaraang Barangay and SK elections! Sus ginoo! Akalain n’yong ayon sa aking ‘pipit-na-malupit,’ may nanalong barangay chairman dito sa Brgy. 659–A, District V.
Paanong mangyayari ‘yun, e…wala umanong mga residente ang nasabing barangay, na pinagbidahan ng mahabang panahon ni dating Brgy. 659–A chair Ligaya Santos? Kung may katotohanan ang bulong ng aking ‘pipit,’ aba’y dapat na imbestigahan ito at i-demolish na ang nasabing barangay nang hindi na makapaminsala pa at ibigay ang Plaza Lawton sa tamang ahensiya ng pamahalaang tunay na mangangalaga nito.
Nanalo sa raffle ‘este sa eleksiyon sa nabanggit na barangay ang kanang-kamay ni dating barangay chair Ligaya Santos. Sila ang namumuno sa barangay na talamak ang illegal terminal, illegal parking, at illegal vendors sa Plaza Lawton! Silipin n’yo ang barangay hall ng damuho sa Aroceros, sangdamkmak na UV Express ang naka-park sa paligid!
He he he…kanino ang mga UV Express na ‘yun mga ‘igan? Sa mga nanalo ba noong barangay and SK elections, na silang magpapatuloy ng kababuyan sa Liwasang Bonifacio o Plaza Lawton?
Dito naman sa District II ng Maynila pa rin mga ‘igan, ayaw na ng taongbayan sa nakaupong barangay chairman, dahil wala umanong inatupag kundi mag-tong-its at maglasing sa loob pa mandin ng kanyang barangay hall! Pero, sa tulong ng isang politikong-pulpol, naipanalo pa rin ang damuho! Sus ginoo!
Ayon pa sa aking ‘pipit-na-malupit mga ‘igan, nagamit umano ang pera ng bayan upang pabagsakin ang tumatakbong kalabang barangay chairman, kasabwat umano ng ulupong ang politikong pulpol ng District II.
Ang siste mga ‘igan, kapalit umano ng P2K ang boto ng bawa’t miyembro ng pamilya. Kaya muling naupo bilang barangay chairman ang sugapa sa sugal at alak na may katiwalian din sa kaban ng barangay!
Paging DILG OIC Secretary Eduardo M. Año, Sir, kailangan din po ang “lifestyle check” ng mga nanalong opisyal partikular sa District II ng Maynila, upang malaman kung saan galing ang laksa-laksang mana na ginamit pambili ng manok at itlog na ipinamahagi noong nakaraang eleksiyon.
Managot ang lagot!
BATO-BATO BALANI
ni Johnny Balani