BAHAGYANG napaganda ng Gilas Pilipinas 23 for 2023 World Cup pool ang kartada matapos ang dikit na 63-61 tagumpay sa palabang University of the East sa pagpapatuloy ng 12th Filoil Flying V Pre-season Premier Cup sa Filoil Flying V Centre kamakalawa ng gabi.
Naiiwan sa 11 puntos sa simula ng huling kanto, nagpakawala ng matinding late game uprising ang Gilas cadets na tinuldukan ng pang-selyong lay-up ng University of the Philippines star guard na si Juan Gomez-De Liano.
Bunsod nito, umangat sa 2-5 ang kartada ng Gilas na kagagaling sa mapait na 81-86 kabiguan sa National University.
Ang pagkatalong iyon ang tuluyang nagtanggal sa kanila sa kontensiyon ng prestihiyosong tournament.
Sa kabila nito, nagpakita ng buhay ang Gilas kontra sa Red Warriors gamit ang tumatalas na nilang chemistry na misyon naman nilang mapagbuti sa pagsali sa torneo higit sa titulo.
Patunay nito ang pagbalik nila sa 11 puntos na pagkakabaon upang mapalakas ang tsansang matapos ang kompetisyon sa winning note.
Bumandera para sa Gilas ang dating La Salle big man na si Abu Tratter sa itinalang 13 puntos habang sumuporta rin ng 11 puntos ang Filipino sensation na si Kobe Paras.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasama rin ng cadets ang Filipino high school star na si Kai Sotto na nag-ambag din ng 5 puntos sa limitadong aksiyon habang may parehong puntos ang game hero na si Gomez-De Liano.
Ang Gilas cadets na kabubuo noong nakaraang buwan ay nasa unang bahagi ng kanilang paghahanda para sa prestihiyosong FIBA World Cup na dito gaganapin sa 2023.
Sa kabilang banda, nauwi sa wala ang 22 puntos ni Alvin Pasaol para sa Red Warriors na nahulog sa 1-2 kartada.
May nalalabi pang laban ang Gilas upang mapaganda lalo ang kanilang kartada kontra sa Mapua University at Emilio Aguinaldo College.
ni John Bryan Ulanday