WALA pang nakalinyang proyekto si Dingdong Dantes sa Kapuso Network na dapat ay magkaroon agad para tuloy-tuloy siyang nasusubaybayan ng mga tao. Kaya naman, malaki ang kanyang pasasalamat sa Gawad Pasado, Pampelikulang Samahan ng mga Guro dahil sa pagkahirang sa kanya bilang Pinakapasadong Aktor para sa pelikulang Seven Sundays noong Mayo 19 na ginanap sa National Teachers College-Manila.
Sinusuwerte ang actor dahil nang sumunod na araw, Mayo 20 ay ginawaran muli siya ng Best Actor ng Guillermo Memorial Foundation Award para uli sa Seven Sundays. Nangangahulugang pinag-uusapan pa rin siya dahil sa pagkapanalo at ang balitang pagtakbo sa politika.
Inamin ng aktor na handa na niyang pasukin ang politika bilang tugon sa mga naisulat na tuloy na ang kanyang plano na tumakbo sa isang posisyon sa gobyerno. Sa aming pakikipag-usap ay nagdadalawang-isip pa ito na sabihin ang plano pero ‘di naglaon ay inamin ding sa Agosto malalaman kung tatakbo siya.
Aniya, “Gusto ko magsimula sa ibaba para walang maipuna sa akin ang mga kalaban. Alam ko naman na magiging isyu kung tatakbo agad ako bilang senador dahil kulang pa naman ako ng kaalaman sa larangan ng politics na totoo naman dahil nagsisimula pa lang naman ako. Kaya pinupuntirya ko muna ang lokal na posisyon tulad ng mayor, gobernador o congressman pero hindi agad bise presidente o presidente mismo,” pahayag nitong may halong biro.
STARNEWS UPLOAD
ni Alex Datu