MAYROONG contingency measure ang Malacañang na handang ipatupad sakaling sumirit nang todo ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Kapag pumalo sa $80 dollars per barrel ang 3-month average na presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, sususpendehin ang excise tax na ipinapataw sa produktong petrolyo na nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kasama ‘yan sa nakalatag na contingency plan ng gobyerno para maayudahan ang publiko dahil sa ipinatupad na TRAIN law.
“…we are ready kung talagang umabot nang ganyan kataas na isuspende ang koleksiyon ng excise taxes pagdating sa produkto ng langis,” ayon kay Roque.
Sa monitoring ng Department of Energy, noong nakaraang linggo ay nasa $77.05 dollars per barrel ang presyo ng Dubai crude.
Dagdag ni Roque, bukod sa P200 dagdag benepisyo sa mga kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang ibibigay ng pamahalaan, may iba pa aniyang benepisyo na itinatakda ng batas kaya makikipag-ugnayan siya sa Department of Finance para rito.
“…at tatanungin ko kung nai-release na ‘yung ibang biyaya intended to ameliorate o ibsan ‘yung epekto ng TRAIN.”
(ROSE NOVENARIO)