NATURUKAN din ng Dengvaxia ang anak na bunso at dalawang apo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi kahapon ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go, ang presidential daughter na si Veronica “Kitty” Duterte at dalawang anak ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ay nabakunahan ng Dengvaxia, ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine.
“May nagtanong kanina kung na-inject raw ba si Kitty at ‘yung dalawang anak ni Paolo, kinonfirm naman po ng mga nanay nila na positive po na-inject po sila,” ani Go sa ambush interview matapos ang programa ng ika-120 anibersaryo ng Philippine Navy sa Coconut Palace, Pasay City.
Wala nang ibang detalyeng ibinigay si Go kaugnay sa isyu.
Kahapon ng umaga ay magkasama sina Go at partner ni Pangulong Duterte na si Cielito “Honeylet” Avancena sa pagpasinaya sa New Eastern Visayas Medical Center sa Phase 1 Project, Brgy. Bagacay, Tacloban City.
Sa naturang okasyon ay may nagtanong kay Go kung nabakunahan ng Dengvaxia ang anak at mga apo ng Pangulo.
Ang Dengvaxia ay dating mabibili sa komersiyal na merkado sa bansa at inirerekomenda ng ilang pribadong pediatrician sa kanilang pasyente. Ngunit inalis ito ng Sanofi Pasteur sa Filipinas noong Disyember 2017 nang pumutok ang isyung ‘nakompromiso’ ang kalusugan ng mga batang estudyante mula sa pampublikong paaralan nang masaksakan nito.
(ROSE NOVENARIO)