NAGBABALA ang Palasyo sa publiko, lalo sa judges at justices na mag-ingat sa “judiciary fixer” na asawa ng dating manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang kinalaman ang Unang Pamilya sa ginawang pag-iikot ng asawa ng dating manugang ng Pangulo sa mga hukuman para mag-impluwensiya sa mga kaso.
“Now we are also warning the public, including judges and justices. Mayroon pong umiikot, ito naman po ay asawa ng isang ex-wife ng anak ng ating Presidente, ginagamit po ang pangalan ng apo ng Presidente para sa pagpi-fix ng mga kaso,” ani Roque.
Iginiit ni Roque, hindi kaanak ng mga Duterte ang judiciary fixer kahit pa ginagamit niya ang pangalan ng apo ng Pangulo.
“Sa mga mahistrado po, mga judges and justices, huwag ninyo pong i-entertainin itong fixer na ito. Hindi po talaga kamag-anak iyan ni Presidente, e ikinalulungkot po na mayroong kinalaman sa apo, wala po tayong magagawa riyan pero wala pong awtoridad iyan na gamitin ang pangalan ng Presidente at ng apo ng Presidente. In any case maski ginagamit po ang pangalan ng apo ng Presidente, hindi po iyan sanction. So ang balita po e nagpi-fixer sa hudikatura,” dagdag ni Roque.
Payo ni Roque sa publiko, isumbong sa Palasyo kapag nilapitan ng naturang judiciary fixer.
“So ang pakiusap po sa justices at mga judges, isumbong ninyo po sa Malacañang iyan. Huwag ninyo pong pagbigyan dahil wala pong awtoridad iyan, nakakahiya man, hindi naman tunay na kamag-anak ng Presidente, hindi po iyan kinokonsinti ng ating Presidente,” aniya.
Sa dalawang anak na lalaki ng Pangulo, tanging si dating Davao City Mayor Paolo Duterte ang diborsiyado sa unang asawa na si Lovelie Sangkola Sumera.
Si Sangkola ay asawa ngayon ni RJ Sumera.
Sina Paolo at Lovelie ay may tatlong anak, ang bunso na si Isabelle ay nagtapos kamakailan sa Senior High School sa San Beda College Alabang at nagdaos ng bonggang debut party sa Manila Peninsula Hotel.
Naging kontrobersiyal ang pre-debut pictorial sa Palasyo na ang isang kuha ay sa mismong presidential seal sa Rizal Hall.
ni ROSE NOVENARIO