INIHAYAG ni Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, na human error ang sanhi ng pagguho ng flyover sa Imus, Cavite.
Paliwanag ni Villar, ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng pagkakamali sa panig ng operator sa pagkakabit ng huling girder sa concrete beam sa flyover na nagresulta sa pagguho nito.
“Base sa preliminary findings namin, human error talaga ‘yung cause. Nagkamali naman talaga ang operator at inamin naman nila na nagkamali sila sa pag-launch ng final girder,” aniya.
Magugunitang gumuho ang bahagi ng itinatayong flyover nitong Sabado, naging dahilan upang isara ang Emilio Aguinaldo Highway.
Bagama’t walang nasaktan sa insidente, nabagsakan ng gumuhong flyover ang isang trailer truck at motorsiklo ng traffic enforcer.
Dagdag ni Villar, ang muling pagtatayo ng bahagi ng flyover ay hindi gagastusan ng gobyerno dahil babalikatin ito ng contractor, ang JBL Builders.
Gayonman, maaantala ang proyektong dapat ang deadline ay sa Hunyo at posibleng matapos sa Disyembre.
“Medyo made-delay ang project kasi kailangan ulit mag-fabricate ng girders,” ayon kay Villar.