PATAY ang isang hinihinalang miyembro ng robbery hold-up group nang makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), National Capital Region (NCR) sa pangunguna ni Chief Insp. Michael John Villanueva, na may plano ang Epoy robbery hold-up group na mangholdap sa North Caloocan.
Agad nakipag-ugnayan ang CIDG sa Caloocan Police Community Precinct 6 saka naglatag ng checkpoint sa kahabaan ng Saranai Village, Brgy. 171, Bagumbong hanggang sa mapansin ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo dakong 1:43 ng madaling-araw.
Imbes huminto sa checkpoint, biglang nag-U-turn ang motorsiklo at humarurot para tumakas kaya hinabol ng mga pulis ngunit bumaba ang back rider at pinaputukan ang mga operatiba.
Bunsod nito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek habang nakatakas ang kanyang kasama.
Hinala ng pulisya, ang nagmamaneho ng motorsiklo ay si Epoy, ang sinasabing lider ng lima hanggang pitong miyembro ng robbery hold-up group, na nag-ooperate sa North Caloocan at kalapit na probinsiya ng Bulacan.
Nakuha ng pulisya mula sa napatay na hindi kilalang suspek ang isang .38 kalibreng baril. (ROMMEL SALES)