SWAK sa kulungan ang isang dating boksingerong kampeon makaraan mahulihan ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Trece Martires, Cavite, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakompiskahan ng mga awtoridad ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu, at P200 buy-bust money ang dating WBC Flyweight Division champion na si Randy Mangubat.
Umamin si Mangubat na nauwi siya sa pagtutulak ng droga makaraan iwanan ang pagboboksing at nagkaroon ng problema sa pera at sa asawa.
Nangako ang dating kampeon na magbabagong-buhay kapag natapos ang kanyang sentensiya para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165.
IRANIAN,
FIL-IRANIAN
HULI
SA SHABU
ARESTADO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang Iranian national at kasabwat niyang Filipino-Iranian makaraang makompiskahan ng shabu sa buy-bust operation sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat kay QCPD director, C/Supt. Joselito Esquivel, Jr., kinilala ang nadakip na sina Amir Gharehgozlou, 30, Iranian, residente sa 1206-A Soler Residences, Sta. Mesa, Maynila, at Omid Hosseini, 37, Fil-Iranian, nakatira sa 10 Tirona St., Brgy. Milagrosa, Project 4, Quezon City.
Ayon kay QCPD Project 4 Police Station (PS-8) chief, Supt. Ophelio Dakila Concina Jr., nadakip ang dalawa dakong 12:55 am sa Delos Reyes St., Brgy. Milagrosa sa nabanggit na lungsod.
Kompiskado sa mga suspek ang siyam sachet ng hinihinalang shabu, cellular phone at marked money.
Si Gharehgozlou ay drug surrenderee sa Brgy. Milagrosa nang ipatupad ang Oplan Tokhang noong nakaraang taon. (ALMAR DANGUILAN)
BATANGAS, MAKATI
DRUG SUPPLIER
HULI SA P2-M SHABU
ARESTADO sa mga operatiba ng Police Regional Police IV-A ang hinihinalang drug supplier na kumikilos sa lalawigan ng Batangas at Metro Manila, makaraang makompiskahan ng P2 milyon halaga ng shabu, sa Lipa City kahapon ng umaga.
Sa ulat ni PRO IV-A director, C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang suspek na si Marcial Orbigoso ay inaresto ng mga operatiba ng Regional Special Operation Unit sa kanyang bahay sa Purok 6, Brgy. Pangao, Lipa City, Batangas dakong 5:00 ng umaga.
Nakuha ng mga operatiba sa bahay ni Orbigoso ang isang .45 kalibreng baril, pitong bala, 300 gramo ng shabu, na tinatayang P2 milyon ang street value, at drug paraphernalia.
Ayon kay Eleazar, si Orbigoso ay isa sa big 3 drug supplier sa Metro Manila partikular sa Guadalupe Viejo, Makati City.
Dagdag ni Eleazar, inamin ni Orbigoso na ginagamit siya ng mga tiwaling pulis sa kanilang ilegal na aktibidad. (ALMAR DANGUILAN)