James Reid, panalo sa MYX Music Awards 2018 (Martin Nievera, itinanghal na MYX Magna awardee)
hataw tabloid
May 21, 2018
Showbiz
NAKUHA ni James Reid ang pinakamalalaking awards sa katatapos na 13th MYX Music Awards sa Araneta Coliseum noong Martes ng gabi. Ang mga ito ay ang Song of the Year, Male Artist of the Year, Artist of the Year, at Music Video of the Year
Nanalo ang actor-singer ng limang awards mula sa kanyang limang nominasyon, kasama na ang Music Video Guest Appearance of the Year para sa The Life tampok ang nobyang si Nadine Lustre. Ang MYX chart-topper na Cool Down ang itinanghal na Song of the Year habang ang The Life na co-directed nina Nadine at Petersen Vargas ang hinirang na music video ng taon.
Tumanggap naman sina Sarah Geronimo, KZ Tandingan, at IV of Spades ng tig-dalawang pagkilala. Nakuha ni Sarah ang Female Artist of the Year at Collaboration of the Year kasama si Yeng Constantino para sa awiting Kaibigan Mo. Tinanggap naman ni KZ ang Urban Video of the Year para sa Labo at Media Soundtrack of the Year para sa pumatok na awiting Two Less Lonely People in the World. Ang New Artist of the Year na IV of Spades ang tumanggap naman ng MYX Bandarito Performance of the Year.
Bukod sa kanila, nanalo rin sina Moira dela Torre, Darren Espanto, BoybandPH, Brisom, Super Junior, at Edward Barber.
Binigyang pugay naman si Martin Nievera bilang MYX Magna awardee ng taon. Nagbigay sina Angeline Quinto, Christian Bautista, Erik Santos, Jake Zyrus, Jed Madela, Karylle, Kyla, KZ Tandingan, Morissette, Robin Nievera, at Yael Yuzon ng makabagbag damdaming performance bilang tribute sa OPM icon.
Bukod sa mga pagkilalang ibinigay, mayroon ding bonggang performances ang pinakamalaking MYX Music Awards kasama ang British teen sensation HRVY, ang IV of Spades, sina Shanti Dope, Gloc-9, Yeng, Julie Anne San Jose, Darren, Ylona Garcia, Elmo Magalona, Janella Salvador, Kiana Valenciano, John Roa, TJ Monterde, Klarisse, Marlisa, Jona, Jay R, REQ, Midnasty, at iba pa.
Pinangunahan ang musical event ng MYX Squadfest, isang concert tampok ang mga sumisikat na kabataang mang-aawit tulad ng BoybandPH, nina Claudia Barretto, Edward Barber, Ex Battalion, Hashtags, Janina Vela, Jayda, Kisses Delavin, Maymay Entrata, Tony Labrusca, AC Bonifacio, Kyle Echarri, Jeremy Glinoga, Isabela Vinzon, Tala, Fern, at Volts Vallejo.
Bukod sa MYX Squad na kinabibilangan nina VJs Ai dela Cruz, Donny Pangilinan, Inigo Pascual, Robi Domingo, Sharlene San Pedro, at Sunny Kim, nagsilbi ring bisita at presenters ang ilan sa mga hindi makalilimutang MYX VJs: sina Bianca Roque, Chino Lui Pio, Heart Evangelista, Iya Villania, Luis Manzano, at Nikki Gil.
Ang bonggang pagsasama ng mga OPM singers ay naging patok online. Nag-trend bilang no.1 sa Twitter Philippines, sa pamamagitan ng hashtag na #MYXMusicAwards2018, ang nasabing programa. Kabilang rin dito ang nakatutuwang innovation na handog ng Twitter at MYX, ang customized MYX Twitter emoji. Naging bahagi rin ng programa ang nangungunang music streaming site na Spotify para sa kauna-unahang playlist na mapakikinggan dito kabilang ang mga awitin ng mga nominado at mga nagwagi.
Panoorin ang MYX Music Awards 2018 sa MYX ngayong Sabado (May 19), 6:00 p.m.. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.