SINIBAK ng Philippine National Police ang provincial director ng La Union gayondin ang police chief ng bayan ng Agoo nitong Sabado, upang bigyang daan ang mga bagong opisyal na hahawak sa imbestigasyon hinggil sa pagpaslang kay dating Rep. Eufranio “Franny” Eriguel.
Sina C/Insp. Alfredo Padilla, Jr., hepe ng Agoo Police, at La Union Provincial Police Office head, S/Supt. Genaro Sapiera ay sinibak sa kanilang puwesto.
Ayon kay C/Supt. Romeo Sapitula, PNP regional director, ang nasabing hakbang ay alinsunod sa utos ng PNP headquarters.
“Wala namang nakalagay [na dahilan] pero alam mo naman sa amin anytime puwede kaming i-relieve basta command decision. If the command wants you out, baka ineffective ka riyan sa lugar mo kaya aalisin ka,”ayon kay Sapitula.
Ang dalawang sinibak sa puwesto ay dating nakatalaga bilang pinuno ng Special Investigation Task Group na nag-iimbestiga sa kaso ng pagpaslang kay Eriguel.
Si Eriguel ay binaril at napatay noong 12 Mayo habang nagtatalumpati sa general assembly ng mga kandidato sa barangay at SK elections.
Arestado ng mga pulis ang suspek sa pagpatay na si Felizardo Villanueva, isang kandidato para sa barangay chairman sa Capas, La Union.