PINIRMAHAN ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Huwebes ang kautusang pormal na nag-aalis sa total deployment ban ng mga manggagawang Filipino sa Kuwait.
Sinabi ni Bello na agad magiging epektibo ang kautusan.
Kasunod ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkoles, 16 Mayo, na alisin na ang deployment ban, na ipinataw noong Pebrero bunsod ng serye ng mga ulat hinggil sa mga pang-aabuso at pagkamatay ng overseas Filipino workers (OFWs) sa naturang Gulf state.
Ayon kay Bello, nasa 5,000 Filipino ang may nakahandang mga dokumento para makalipad at makapagtrabaho sa Kuwait.
Habang 15,000 ang kasalukuyang ipinoproseso pa ang kanilang mga dokumento.
Iniutos ni Duterte ang pag-alis sa deployment ban matapos irekomenda ni special envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.
Ipinaliwanag ni Mama-o na inirekomenda niya ang pagbawi sa deployment ban dahil sa nakitang “sincerity” at “commitment” mula sa mga opisyal ng Kuwait.
“I had seen the sincerity and commitment of the leaders of the State of Kuwait to protect and enforce strictly the terms of the memorandum of agreement that was signed by our government and the state of Kuwait,” sabi ni Mama-o.
Noong Biyernes, 11 Mayo ay nilagdaan ng mga gobyerno ng Filipinas at Kuwait ang isang kasunduang naglalayong bigyan ng proteksiyon ang mga OFW sa Kuwait.
Isa ito sa mga kondisyong inilatag ng pangulo para alisin ang ban, bukod sa paghahanap ng hustisya para kay Joanna Demafelis, isang household service worker na natagpuan ang bangkay sa loob ng isang freezer sa Kuwait.
Sa unang pagdinig ng kaso ni Demafelis noong nakaraang buwan, senentensiyahan agad ng bitay ang mag-asawang suspek.
Bago iutos ng pangulo ang tuluyang pagbawi sa ban, una nang binawi ang deployment ban nitong Martes, 15 Mayo, sa skilled at semi-skilled workers na patungong Kuwait.