TULUYAN nang nag-alsa balutan sa Liberal Party ang mga mambabatas na tinaguriang “Anak ni Mar Roxas” matapos mag-ober da bakod sa political party ng Administrasyong Duterte na Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan o PDP-Laban.
Kabilang dito sina Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas, Sta. Rosa, Laguna Mayor Danilo Fernandez, at Quirino Rep. Dakila Cua, at iba pa, dumalo rin sa inilunsad na Sulong Ang Pag-unlad Movement (SAPM) na naglalayong hikayatin si Special Assistant to the President Secretary Christopher Lawrence “Bong” Go na tumakbo sa 2019 Senatorial race.
Kasama ang iba pang lokal na opisyal mula sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya, non-government organizations (NGOs), at ilang businessmen, pinangunahan ni dating Caloocan Congresswoman at ngayo’y SAPM National Chairperson Mitch Cajayon-Uy ang paglulunsad ng SAPM.
Ayon kay Cajayon-Uy, “Naniniwala kami na si SAP Bong Go ay may malaking puso sa pagseserbisyo sa bayan at sa kapwa Filipino kung kaya nabuo ang Sulong Ang Pag-unlad Movement.”
“Maigting ang aming hangarin na sana’y maipagpapatuloy ni SAP Bong Go ang mga magandang nang naumpisahan ng ating mahal na Presidente Mayor Duterte…” dagdag ni Games and Amusement Board (GAB) Chairperson and SAPM Vice Chairperson for Luzon Baham Mitra.
Hanggang ngayo’y tikom pa rin ang bibig ni SAP Bong Go hinggil sa isyu. Trabaho lang daw muna ang kanyang inaatupag.
Umaasa ang mga miyembro at pamunuan ng SAPM na mahihikayat din nila si SAP Bong Go na tumakbo sa Senado. Positibo rin silang tataas pa ang ranking ng Kalihim sa mga darating na surveys kasunod ng pagdami ng bilang ng mga grupong nagpapakita ng suporta.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte, buo ang suporta kay SAP Bong Go sakaling magdesisyon siyang kumandidato sa 2019 midterm elections.
“Ang kailangan natin sa Senado’y isang tao na may parehong layunin para sa bayan at may tiwala sa mga panukala ng kasalukuyang administrasyon. May naipasa na tayong mga panukala sa mababang kapulungan pero hindi naitawid sa Senado. Naniniwala kaming si Bong Go ang susi para maiakyat sa mataas na kapulungan,” pagtatapos ni Sultan Kudarat 1st District Rep. Suharto Mangudadatu.
Ilan sa mga naipasang batas sa Kongreso na naunsiyami sa Senado ay ang Divorce Bill, Death Penalty, at ang panukala para ipagpaliban ang Sangguniang Kabataan (SK) elections.