PAG-AARALAN ng Makabayan bloc kung susuportahan nila ang plano ng “Magnificent Seven” na maghain ng impeachment complaint laban sa mga mahistradong bumoto para masipa sa kanyang posisyon si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, titingnan muna nila kung paano mapananagot ang walong mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition laban sa dating chief justice.
Naniniwala si Zarate na sinagasaan ng walong mahistrado ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang impeachable official dahil sa ginawa nilang desisyon.
Ngunit duda si Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao na maitutulak ang impeachment sa Kamara dahil mayorya sa mga kongresista ay hawak ng administrasyon na siya umanong nagtulak sa quo warranto petition.
Habang sa tingin ng mga miyembro ng Justice Committee na sina AKO BICOL Rep. Rodel Batocabe at COOP-NATCO Rep. Anthony Bravo, malabong makakuha ng 98 boto ang oposisyon para maideretso sa Senado ang impeachment complaint sa walong mahistrado sakali mang maihain ito sa kamara.
(JETHRO SINOCRUZ)