IYONG mga artista, usually basta may ginagawang teleserye, wala nang ibang magawa ang mga iyan dahil alam naman natin ang trabaho sa serye bukod sa puyatan iyan, nakapapagod talaga. Ngayon nararanasan na naman iyan ni Ara Mina dahil ginagawa nga niya iyong seryeng Araw Gabi. Talagang matindi rin naman ang trabaho niya sa set.
Ganoon pa man, naisisingit pa rin ni Ara sa kanyang schedule ang ilang proyektong makatutulong sa kanyang kapwa. Kagaya ngayon, may ino-organize siyang isang fun run na ang makikinabang ay iyong mga batang may down syndrome. Kahit naman noon, alam nating dahil sa mga personal reasons. Alam niya kasi kung gaano kahirap ang buhay para sa isang may down syndrome, at kung gaano rin kahirap ang mag-alaga sa mga batang may ganoong sakit. May kapatid kasi siyang may down syndrome rin.
Kung iisipin mo, para kay Ara ay hindi nga masyadong problema iyon, maganda naman ang kabuhayan niya at malakas ang kita niya. Kung ano man siguro ang kailangan ng kapatid niya ay kaya niyang ibigay, pero ang sinasabi nga niya, paano iyong walang kakayahan? Mapapabayaan na lang ba sila? Alam din naman niya na kung ano man ang maaabot ng kanyang inaayos na fun run at hindi rin naman makakasapat pero ang gusto niya, makapagbigay inspirasyon sa iba na maaaring gumawa rin ng proyekto para sa mga batang may down syndrome.
Nakatutuwa naman at may mga taong kagaya ni Ara, na nag-iisip ng ikabubuti ng kanyang kapwa. Sa takbo ng panahon ngayon, maraming mga tao ang walang pakialam. Basta sila ay maganda ang buhay at walang problema, wala na silang pakialam sa iba. Pero ito ngang si Ara, dahil alam niya kung ano ang narararamdaman ng mga taong nag-aalaga sa isang may down syndrome, may ginagawa siya para matulungan sila.
HATAWAN
ni Ed de Leon