UMABOT sa 60 barangay official na nanalo sa nakaraang halalan ang kabilang sa 207 village executives na kasama sa drug list ng gobyerno, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency nitong Huwebes.
Kabilang dito ang 36 barangay chairman at 24 kagawad, ayon kay PDEA Chief Aaron Aquino.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang kani-
lang paghahanda ng kaso laban sa 60 barangay officials gayondin sa mga natalo sa eleksiyon.
Gumamit aniya ng drug money sa pagbili ng boto sa ilang mga lugar.
Magugunitang bago ang May 14 barangay at SK elections, naglabas ang PDEA ng listahan ng mga opisyal na umano’y sangkot sa ilegal na droga upang hindi iboto ng publiko.
“Naging successful naman sa tingin ko iyong paglalantad ng listahan dahil kung hindi nalantad ito, iyong sinasabing marami, baka lahat, nanalo,” ayon kay Aquino.
Sa nasabing bilang ay hindi kasama ang mga opisyal ng Bicol at Caraga regions, aniya.