PUMIRMA ang mayoridad ng mga senador sa resolusyon na komokontra sa desisyon ng Supreme Court na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang chief justice.
Sinabi ni Sen. Francis Pangilinan, 14 sa 23-man Senate ang pumirma sa resolusyon.
Kabilang sa pumirma ay mga miyembro ng majority at minority blocs ng Senado.
Kasama sa mga pumirma nitong Huwebes sina Pangilinan, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Antonio Trillanes IV, Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Leila de Lima, pawang ng minority bloc, at majority Senators Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, Grace Poe, Francis Escudero, Joel Villanueva, Ralph Recto, Loren Legarda, at Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ang resolusyon ay binuo makaraan paboran ng Supreme Court ang inihain ni Solicitor General Jose Calida na quo warranto petition laban kay Sereno nitong nakaraang linggo, na nagpawalang-bisa sa kanyang 2012 appointment bilang chief justice.
Sa nasabing desisyon, sinabi ng mataas na hukuman, pinaboran nila ang quo warranto plea para mapatalsik si Sereno upang matiyak na “only qualified individuals” ang mauupo sa public office. Sinabi sa desisyon na ang impeachment ay hindi tanging paraan upang masibak sa puwesto ang impeachable officials.
Ang pagtatalaga kay Sereno ay may bisang manatili bilang chief magistrate hanggang sa kanyang pagreretiro sa edad na 70 anyos sa 2030.
Ang kanyang pagkasibak sa puwesto ay unang beses sa kasaysayan ng Filipinas na ang isang chief justice ay napatalsik sa pamamagitan ng quo warranto plea.
Sinabi ni Aquino, umaasa ang mga mambabatas na ang resolusyon ay magamit ng kampo ni Sereno sa pag-apela sa pagpapatalsik sa kanya.
“We hope this resolution can form part of information for that MR (motion for reconsideration) na malinaw sa amin dito sa Senado na mali ‘yung ginawa ng Supreme Court,” aniya.
“I think it’s important that the Senate makes a stand on this issue. Marami na rin sa amin ang nagsasabi na unconstitutional itong ginawa ng Supreme Court and this is not just coming from the minority but across party lines,” dagdag niya.
Habang sinabi ni Sen. Nancy Binay, na hindi pumirma sa resolusyon, dapat irespeto ng Senado ang “separation of powers” ng lehislatibo at hudikatura.
“They made a decision so let’s just respect that separation of powers,” ayon sa senadora.
HATAW News Team
Sa quo warranto petition
IMPEACHMENT VS
8 MAHISTRADO
IKINOKONSIDERA
NG MAKABAYAN BLOC
PAG-AARALAN ng Makabayan bloc kung susuportahan nila ang plano ng “Magnificent Seven” na maghain ng impeachment complaint laban sa mga mahistradong bumoto para masipa sa kanyang posisyon si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, titingnan muna nila kung paano mapananagot ang walong mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition laban sa dating chief justice.
Naniniwala si Zarate na sinagasaan ng walong mahistrado ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang impeachable official dahil sa ginawa nilang desisyon.
Ngunit duda si Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao na maitutulak ang impeachment sa Kamara dahil mayorya sa mga kongresista ay hawak ng administrasyon na siya umanong nagtulak sa quo warranto petition.
Habang sa tingin ng mga miyembro ng Justice Committee na sina AKO BICOL Rep. Rodel Batocabe at COOP-NATCO Rep. Anthony Bravo, malabong makakuha ng 98 boto ang oposisyon para maideretso sa Senado ang impeachment complaint sa walong mahistrado sakali mang maihain ito sa kamara.
(JETHRO SINOCRUZ)