BATANGAS – Sumabog ang isang van sa Brgy. District 4, Lemery, Batangas, nitong Lunes ng gabi.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, may kargang kuwitis ang van na maaaring naging dahilan ng pagsiklab ng apoy.
Naka-park ang van na may plakang UFL-165, sa tabing kalsada habang nasa loob ng isang malapit na spa ang may-ari nito.
“Galing po sila sa biyahe. Sumakit daw po ‘yung pakiramdam. Nagpamasahe tapos iniwan po ‘yung sasakyan sa mismong tapat ng spa,” ayon kay FO1 Gabriel Nikky Perilla ng Bureau of Fire Protection-Lemery.
Ang may-ari ng van na residente ng Brgy. District 2, ay negosyante ng paputok.
Sumabog ang sasakyan pasado 7:30 ng gabi pero mabilis na naapula.
Habang isang residente na nakatira malapit sa pinangyarihan ang naitalang nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga bombero.